DOCUMENTS OF THE

 

Katipunan

HOME

Andres Bonifacio

Letter to Emilio Jacinto, April 24, 1897

 

Source: Adrian E. Cristobal, The Tragedy of the Revolution

(Makati City: Studio 5 Publishing Inc., 1997), pp.146-7.

 

Note:  The history of this letter, and the grounds for dismissing any doubts about its authenticity, are discussed in the posting titled Bonifacio's letters to Emilio Jacinto in the “Studies” section of this website. 

 

 

 

 

 

 

ANDRES BONIFACIO

       MAYPAGASA

P. ng K. Kapulungan

 

 

 

M. Emilio Jacinto Pinkian

 

            Minamahal kong kapatid: tinangap ko ang inyong sulat, taglay ang kabilangang araw na ika labingsiyam ng umiiral at nabatid ko ang lahat ng doo’y nasasabi.

 

            Magbuhat ng mapasok ang bayan ng Silang ng kaaway at magpahanga ngayong mga araw na ito ay wala kaming ibang inantabay kundi ang pagtatangol sa guipit na kalagayan ng bayan; ito ay ang kadahilanan ng di ko pagsulat dian; nguni’t bago ko tinangap ang inyong sulat ay ako’y nagpadala sa inyo ng sulat sa pamaguitan ni M. Antonino Guevara na taga S. Pedro Tunasan na ngayo’y inaakala kong sumapit na sa inyong kamay; doo’y akin ibinabalita sa inyo ang mga nangyaring napagsapit nitong mga bayan sakop nitong Tangway na nakuha ng Kastila ang Silang, Dasmarinas, Imus, Bakood, Kawit, Noveleta, Malabon, Salinas at Tanza; tatlo o apat ang mga bayang ito ay nakuha ng kaaway ng walang laban at marahil ay makukuha pa ang nangatitirang bayan kung ang pag sasarilinan at kakulangan ng pagkakaisa ay mananatili; ito’y siyang tanging kadahilanan ng ikinapapahamak ng mga bayan dito tungkol sa pulong na guinawa dito ng ika 22 ng buang nagdaan, yaong [?] ginawa sa kadahilanan may tinangap na sulat sa isang Jesuita at isang Kastila na nagngangalang Pio Pi at Rafael Comenge na ipinadala kay Kapitan Emilio Aguinaldo sa sulat na ito’y, nasasabi na tayo’y bibigyan ng laganap na kapatawaran (indulto mas amplio) o kaya makipagusap sa kanila at sabihin kung ano ang ibig natin.  Ito’y kapwa ipinadala ng taga Imus sa mga pinuno ng Magdiwang na may kalakip ng mga condiciones na ibig hingin sa Kastila na pakikipagyari.  Ang taga Magdiwang ng ito’y hindi sangayunan sa kadahilanang ako’y wala sa Tangway at na sa sa Look (Batangan) ng mga araw na yaon bukod pa sa niwawalan nilang kabuluhan ang mga katauhan ng Jesuita  at ni Comenge na di makapakikialam sa mga bagay na ito.

 

            Sa matanto ng taga Imus ang kasagutan ng taga Magdiwang si Capitan Emilio ay lihim na sumulat sa mga Pangulong bayan sakop ng Magdiwang ng tungkol sa nasabing pakikipagyaring gawin sa Kastila;  ito’y ng mabatid ng Presidente ng Magdiwang ay karakarakang nagpatawag ng Pulong at sampung ako’y ipinasundo sa Look at guinawa na nga ang nasabing Pulong.  Doo’y halos ang lahat sa akin pagpapa amin na ang [?] kasamaan ng pakikipagyari sa Kastila ay wala na hindi ang ibig ay laban.

 

            Sa pagka’t ang karamihan sa Pulong na ito ay minagaling na itayo ang isang Pamahalaan (Gobierno), bagama’t ipinaunawa ko na ito’y hindi mangyayari sapagka’t wala doon ang pinakakatawan ng taga ibang hukuman at bukod pa sa rito’y ipinagsabi ko na mayroon ng pinagkayarian sa Pulong na guinawa sa bayan ng Imus; ang lahat ng ito’y niwawalan kabuluhan ng karamihan at di umano’y sa kaguipitan tinatawid ng mga bayang ito’y ay wala ng panahon ay makapag aantabay pa na dumating ang taga ibang bayan at yaong Pulong na guinawa sa Imus ay winala rin kabuluhan sapagka’t di rao magawa ang acta.  Gayon ma’y akin ipinagsabi sa lahat na kaharap sa Pulong na yaon na kung kalooban ng mga taung bayan ang siyang masusunod na makapangyayari sa paghahalal ng mga Pinuno ako’y sumasangayon.

 

            Ng gawin, ang paghahalal ay lumabas na Presidente de la Republica ay si M. Emilio Aguinaldo, Vice presidente ay si M. Mariano Trias, General en Jefe si M. Artemio Rikarte, Director de grra. M. Emiliano R. de Dios, ito’y isinigaw na lamang sapagka’t gabi na gayondin naman isinigaw akong pinagkaisahan Director del Interior na ipinag viva pa na gaya ng ibang nahalal; datapwa’t ng ito’y matapos na at sinisimulan ang paghahalal ng Director de Hacienda si M. Daniel Tirona ay nagsabing may sumisigaw na ihalal sa katungkulan Director del Interior si M. Jose del Rosario; tuloy ipinagsabi na ang katunkulan Director del Interior ay totoong mabigat at kinakailangan ang isang marunong ang tungkulan nito, ito’y sinabi kapagkatapos na ipagturing na hindi sa pag hamak niya sa akin.  Ang kasagutan ko sa kanya ay sa lahat ng katungkulan yaon ay kinakailangan ang taung marunong, datapwa’t sino ang wika ko sa nangag si labas ang kanyang maituturong marunong?  gayon ma’y sumigaw rin ng ganito:  Isigaw ninyo anya ¡Director del Interior Jose del Rosario, Abogado!  Wala rin sumunod sa kanya hangan sa makaapat na ulitin kun di mangilanngilan at sigaw rin ay ako.  Sa kaguluhang ito ang Presidente ng Magdiwang ay ipinahayag na yao’y hindi kapulungan ng mga taung mahal, kaya’y sinabi niya na walang kabuluhan ang doo’y mga pinagusapan.  Bukod dito’y bago sinimulan ang paghahalal ay matuklasan ko ang mga panguupit [?] ng ilan taga Imus na di umano’y di nararapat na sila’y pamunuan ng taga ibang bayan.  Kaya’t ipinahahalal na maguing Presidente ay si Capitan Emilio.  Kapagkarakang ito’y mabatid ko ay akin sinabi rin na ang kapulungang yaon ay totoong marumi sapagka’t gayon ang ipinamamarali ang isiahihibo [?] sa tawo at itanong ko na kung ibig nilang isaisahin kong ituro ng daliri ang gumagawa ng gayon ang aking ituturo ang karamiha’y sumagot ng huag na.  Sinabi ko rin naman na kapag hindi nasunod ang talagang kalooban nang bayan ay hindi ako makakikilala sa kanino pa mang Pinuno lumabas at kapag di ako kumilala ay di rin naman kikilalanin ng mga taga rian sa atin.  Ang lumabas na general na si M. Artemio Rikarte ay isinigaw rin sa kapulungang yaon na ang kanyang pagkahalal ay sa masamang paraan.

 

            Ang mga taga Imus ay ng kinabukasan sila sila ay nagkapulong sa Convento ng Tanza at doo’y pinilit na isaisang pinapanunumpa ang nangahalal at siya ninyong mapagkikita sa kalakip nitong isang kasulatan ni M. Artemio Rikarte.

 

            Ang taga Magdiwang lalong lalo ang mga taga Malabon ay gumawa [?] ng isang protesta na ipinatawag si Kapitan Emilio at Daniel Tirona at sa isang paghaharap ay pinabitiwan sa kanya ang kapangyarihang ibig niyang kamkamin kaya’t sa gabi ring yaon ay gumawa siya ... [?] ng Circular na pinahayag niya sa lahat ng bayan sakop ng Tangway na ang kapulungan guinawa na pagkahalal sa kanya ay wala ng kabuluhan at malagay na muli sa dating kalagayan ng Magdiwang at Magdalo.

 

            Ako at sampu ng ating mga kawal na ma’y mga dalawang pung na baril na Remington at mga dalawang pung baril na de piston na may katampatan kasangkapan ang nagsi labas na nang bayan ng Indang sa nayon Halang na talagang gayak sa pag uwi [?] diyan.  Kaakbay rin naman namin ang makapal na sandatahan na may mga isang libo, kaya’t wala kaming ibang inaantay kun di ang inyong pagkakayarian ni M. Antonino Guevarra ayon sa aming balitaan nito.  Antay ko sa madaling panahon ang inyong marapatan pagkasunduan diyan tungkol sa amin binabalak ng nasabing M. Guevarra.

 

            Tungkol sa armas na ating inaantay ay tila hindi maaasahan sapagka’t sa sulat ni Jokson ay humihingi ng dalawang pung libo; dito’y ang salaping na iipon ay halos naubos na sa kagugugol ng mga Pinuno sa kailangan nila at Panghihimagsik.

           

Kalakip din nitong sulat na ito na inyong tangapin ang salin ng “Manifesto Revolucionario” namin sanang ilalathala ito’y nasusulat din sa wikang ingles datapwa’t sa pagka’t tila totoong mahaba ay kayo na ang bahagang maghusay upang magamit natin kapagkarakang tayo’y magkaayos-ayos; gayon din kalakip nito ang alfabeto de numero na guinagamit sa pakikipagsulatan sa Hong Kong; ito’y kinakailangan ipaglihim sa kay Vnvqrtc Llntñbqdnd [Mamerto Natibedad].

           

Ang Hukuman ng Batangan ay nagbangon ng isang Gobierno Provincial at ito’y isinusukob sa akin kapangyarihan na pinatutunayan ng apat na sulat na sa aki’y ipinadala at doo’y ipinadala kong saklolo ang dalawang pung baril at dalawang pu’t limang sandatahang Balara; gayon din si Lucino na may kasamang ilan barilan upang sila’y makatulong sa kasalukuyang paglusob doon ng mga taga roon sa walong bayan sabay-sabay.

 

            Tungkol sa balitang napatay si Procopio ito’y hindi totoo kahit nanganib ng malaki.

 

            Kayo’y ibinalita rin naman dito ng buong katatapos [?] na pinatay ng mga Carabineros sa kadahilanang di umano’y kayo’y nagbigay ng isang masamang kautusan, ito’y sapagkat’t balita ng taga Imus ay hindi ko pinaniwalaan at itinuring kong isang kasukaban dating gawa ng mga taung ito.

 

            Tungkol sa pagiipin ng salapi ay inaakala kong hindi kailangan ang tayo’y magpalimos kundi ang nararapat ang humingi o sumamsam sa kanino pa mang mayaman.  Ang K. na si M. Nakpil ay sumulat sa akin na itinatanong na kun ang salaping may mga apat na raan mahiguit na kanyang maaipon ay kung nararapat na ibigay sa kay Vnvqrtc Llntñbqdnd [Mamerto Natibedad], ito’y huag ninyong pahintulutan mangyari, sapagka’t iya’y hindi tapat ang pakikisama sa atin at iya’y malaki ang hilig sa taga Magdalo.

 

            Isang kasukulansuklan na balita ang akin maipapasabi sa inyo tungkol sa kasukaban gawa ng mga pinuno ng S. Magdalo na nag si sukob sa indulto o umayon sa Kastila ito’y si Daniel Tirona, Ministro del Interior, Jose Caelles, teniente Gral., gayon din halos lahat ng mga taga Tanza sampu ng cura doon; ang lahat ng ito’y pawang kabig o partidos ni Capitan Emilio; kaya’t malabis ang hinala ng marami na kun kaya’t malabis na nagpumilit na sila’y maguing Gobierno ay ang upang maisuko ang boong Revolucion.  Ng lingong nagdaan ay ipinagapos ko sa ating mga kawal ang isa rin sa mga Ministro ni Capitan Emilio sa kadahilanang nahuling magtatanan, kaakbay ang dalawang Kastila bihag at isang senora isa sa mga Kastilang ito ay nagsabi ng totoo na sila ay magtatanan; ito’y pinaghatulan sa Sangunian Digma at ang kinalabasan ay ang dati rin palakad dito ng pagtatakipan o favoritismo; datapwa’t ang espediente na tinalaan na ng nasabing Ministro na si M. Cayetano Topacio ay naiwan sa akin ay gayon din ang sa Kastila.  Ito’y isa sa manga kadahilanan ng aming pagpupumilit na mapaalis dito sa pagka’t hindi lamang sa kaaway na Kastila nanganganib ang amin buhay kun di lalo’t higit pa sa mga pinuno dito na ang karamiha’y may masasamang kilos.

 

            Ang limbagan mga librong kailangan, mapang malaki at mga kasangkapan sa paggagawaan ng kapsula ay aming dalang lahat.

 

            Ang mga Cuchara na inyong ipinadadala sa kapatid ni Dimas ay hindi maibigay sa kanila sapagka’t sila’y nagsialis na na tumungo sa dakong Silangan (Laguna).  Ang inyong ina na na sa Marigondong ay aming ipinatawag at magpahangangayo’y siya naming maantabayanan.

 

            Tangapin ang mahigpit na yakap na pahatid ko buhat dito.

           

            Limbon 24 Abril 1897

 

            Ang Plo. ng H. B.

            And ... Bonifacio

                        Maypagasa